Wednesday, April 20, 2011

Semana Santa sa Puerto Galera (2003-2006)

Tuwing sumasapit ang Semana Santa ay nanariwa sa aking alaala ang mga panahong halos taon-taon ay tinutungo ko ang Puerto Galera. Taon-taon libo-libong tao ang dumaragsa sa lugar na ito. Nung una ko itong marating taong 2003 ay nadismaya ako sa lugar na ito. Mataas kasi ang aking inasahan rito. Puerto Galera, kay gandang pangalan. Akala ko ay mala-Boracay ito sa ganda. Subali’t ang nasilayan ko ay wala ni katiting sa aking inasahan. Ang buhangin ay mabato, masikip ang mga pasilyo, masyadong matao, mainit. Higit pa roon, ay ang mga abusadong may-ari ng mga resort na sobrang taas maningil kahit na ang itsura ng mga kwarto nila ay tulad lang ng mga motel dito sa Maynila. At kung maliligo ka sa dagat, kailangan mo mag-ingat at baka masagasaan ka ng mga bangkang maya’t maya ay dumaraong sa pampang. Bagama’t sa kabila nito, ay patuloy pa rin dinadagsa ang Puerto Galera.

Higit na nagpapaalab sa aking kuryusidad ay kung kailan nagsimula ang tradisyon na ang mga bakla ay gumagawi sa lugar na iyon tuwing sumasapit ang Semana Santa. At sa dinami-daming panahon upang magkatipon-tipon eh nataon pa sa Semana Santa. At sa kadahilanang ito, ang biruan nga ng mga tao eh ang Puerto Galera daw ay dapat ng tawaging Puerto Gamorrah. At kung lulubog nga daw ang isla, malamang ubos raw ang kabadingan sa kamaynilaan. Kung ang lugar lang ang pag-uusapan, hindi ko gusto at nanaisin pang bumalik sa Puerto Galera. Subali’t sa kabila nito, mula noong una kong pagkakatuntong sa lugar na iyon, muli ko itong binalik-balikan sa mga sumunod pang apat na taon. Hindi ang mga tanawin sa Puerto Galera ang naka-engganyo sa akin na balik-balikan ito. Ang mga bagay na nagaganap dito ang hinanap-hanap ko tuwing ako ay napapadpad sa Puerto Galera.



Biro nga ng isa kong kaibigan, para mo raw dinala ang Malate sa Mindoro. Tama nga naman, may alak, pareho ng musika ang tumutugtog, at pare-parehong mga mukha ang iyong mga makikita. Ang mga mukha ng mga taong makikita mo sa Malate, makikita mo rin sa Puerto Galera. Ang Semana Santa ay naging isang malawakang taunang pagtitipon ng mga bakla sa Puerto Galera. Nakakaaliw silang pagmasdan. Lahat may kani-kaniyang eksena. Pero higit na tumatawag sa aking atensyon ang pagbabagong makikita mo sa bawat isa sa kanila. Sa Puerto Galera, nawawala ang inhibisyon ng bawat nilalang.

Ganito ang karaniwang nagaganap sa aming magkakaibigan sa Puerto Galera. Sa pasimula ng gabi, kaming magkakaibagan ay pupwesto sa isang lugar malapit sa bar. Sa panahong ito ay marami kang kakilala na iyong makikita. Walang humpay na pakikipagtalastasan ang susunod na magaganap. Subalit paminsan-minsan sa pakikipag-usap mo sa kanila, ay hindi mo mawari kung tunay nga silang nakikinig sa iyo sapagka’t iyong mapapansin kung saan-saan napapadpad ang kanilang mga paningin. Habang nilulunod ng alak ang gabi, isa-isang nawawala ang aking mga kaibigan. Walang katiyakan kung babalik pa sila o kinabukasan na kami muling magkikita-kita. Palagi kong pinipiling manatili sa aking kinauupuan. Tamad kasi ako maglakad-lakad. Hindi ko rin kasi ninais tumungo sa batuhan o sa kweba dahil madilim ang mga lugar na iyon. Hindi mo malalaman kung si Bentot na ang humahaplos ng iyong katawan. Sa aking kinauupuan, pinagmamasdan ko ang bawat mukhang dumaraan sa aking harapan. Nanunuri, namimili. At sa pagdating nya, matiyaga kong hihintayin ang pagkakataong magtama ang aming mga mata. At sa pagkakatong ito, mauunawaan nya ang aking pagnanasa. At sa muling pagtama ng aming mga mata, nawawala ang ingay sa paligid. Di man bumigkas ng salita ang aming mga labi, ay may pagkakaunawaang nabubuo. Ang gabi ay muling bumabata. Isa na naman itong mapusok at mahabang gabi.

Kinabukasan sa aking pag gising, sari-saring kuwento ang aking naririnig mula sa aking mga kaibigan. Bawat isa ay may kani-kaniyang kuwento. At sa buong linggong pananatili namin sa Puerto Galera, ganito ng ganito ang mga kaganapan. Makalipas ang apat na taon, nakakasawa na, nakakapagod. Noong huli kong taong tumungo sa Galera noong 2006, habang kami ay lulan na ng bankang palayo sa isla, ay nasabi ko sa aking sarili na iyon na ang huling pagkakataon na babalik ako sa lugar na yaon. At mula nga noon ay hindi na ako nakabalik pa sa Puerto Galera. Ang mga alaalang iniwan sa akin ng Puerto Galera ay hindi ko malilimutan. Ito marahil ang dahilan sa tuwing sumasapit ang Semana Santa ay aking naalala ang Puerto Galera.







Photo credits:


1st photo: by Eugene Alvin Villar, 2006


2nd photo: camperspoint.com


3rd photo: http://en.wikipilipinas.org



3 comments:

  1. Ive never been to puerto galera,, kahit naman sa boracay maraming milagro nangyayari especially sa gabi hahahaha.

    ReplyDelete
  2. Nakakaingit, dipa ako nakakapunta diyan, mukhang masaya : )

    ReplyDelete
  3. iba pala pag gumagabi sa puerto galera hehe. hindi pa ko nakakapunta dyan kasi may bahay kami sa occidental. kaya mas nanaisin ko pa dun na lang. :)

    ReplyDelete